LEGAZPI CITY – Hiniling ng League of Provinces of the Philippines sa Inter-Agency Task Force na gawin na lamang sa Nobyembre 1 ang effectivity date ng bagong alert level system sa COVID-19 restrictions.
Ngayong araw ang itinakdang pag-uumpisa nito sa mga lugar na nasa labas ng NCR.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LPP President Gov. Presbitero Velasco, marami pa rin ang duda sa guidelines dahil sa mabilis umanong resolusyon sa pagpapatupad nito.
Biglaan din umano ang pagbabago sa sistema na hindi pa gaanong batid ng mga mamamayan at karamihan sa mga lokal na pamahalaan ay nakabase pa rin sa umiiral na unity system hanggang sa pagtatapos ng buwan.
Dapat na mismong local task force muna ang makaunawa nito at pag-aaralan ang mga regulasyon na ipatutupad sa alert level na ibibigay ng Department of Health (DOH).