Nangako ang lead counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay ito ng malakas na depensa sa kaso ng dating Pangulo at umaasa na maibalik siya sa Pilipinas.
Ginawa ni British lawyer Nicholas Kaufman ang pahayag habang masusing pinaplano ang mga susunod na magiging hakbang sa kaso ng dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa crimes against humanity na na-commit umano sa madugong war on drugs.
Sa panayam ng media sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Kaufman na kasalukuyan pa silang nasa proseso ng pagkumpleto sa defense team ng dating Pangulo.
Nauna ng sinabi ng kampo ni Duterte na magiging parte ng defense team ng dating Pangulo sina dating executive secretary Salvador Medialdea at dating presidential spokesperson at kabilang sa ICC List of Counsel na si Atty. Harry Roque bilang mga supporting lawyer.
Samantala, tumanggi muna si Kaufman na magbigay ng karagdagang mga detalye sa usapin, habang hindi pa naaprubahan ni Duterte ang bubuo sa kaniyang defense panel, kung saan ayon kay Kaufman dapat magkaroon ng senior counsel na bihasa o may karanasan sa mga usapin sa ICC at siyang bubuo ng team.
Nakatakda din aniyang maghain ng mas marami pang mga petisyon subalit saka na aniya ilalabas ang impormasyon hinggil dito sa oras na maisapinal na ang defense team.