LEGAZPI CITY – Ibinahagi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ‘up and down’ o pabago-bago ang bilang ng mga naitatalang parametro sa bulkang Mayon.
Dahil dito ayon kay Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi pa masasabi sa ngayon kung ilang linggo o buwan pa aabutin ang pag-aalburoto ng bulkan.
Kahit kasi bumaba na ang ilang aktibidad lalo na ang rockfall events patuloy pa rin ang mga naitatalang volcanic earthquakes.
Base sa datos kahapon as of 5am to 7pm, nakapagtala ng 84 volcanic earthquakes kung saan 74 dito ang volcanic tremors.
Maliban dito, nagkaroon din ng lava spray events at ashing events na sumasabay sa lumalabas na usok sa bulkan.
Sinabi ni Alanis, indikasyon ito na may posibilidad pa rin ng ‘explosive eruption’ dahil sa pagtaas ng ilang parametro.
Ito rin ang dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa ibinababa ang alerto ng bulkan na nananatiling nasa Alert Level 3.