LEGAZPI CITY – Nagbanta ang Land Transportation Office na sasampahan na ng kaso ang mga mahuhuli pa rin na magmamaneho ng mga colorum na sasakyan
Kasunod ito ng pagsisimula na ng paghuli sa mga unconsolidated jeepney na hindi nakarehistro sa mga asosasyon o korporasyon na parte ng requirements para sa public utility vehicle modenization program ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Land Transportation Office Bicol Director Francisco Ranches Jr., isang paglabag sa Public Service Act ang pagmamaneho ng mga colorum na sasakyan na walang permit, prangkisa o certificate of public convenience.
Hindi na rin papayagan pa ng ahensya na mabawi ang mga makukumpiskang colorum na sasakyan maliban na lamang kung magpapalabas ng relase order ang korte.
Ayon kay Ranches, mas mabigat ang parusang ito kumpara noon na kailangan lamang na makapagbayad ng penalties ang mga drivers o operators.
Panawagan ng Land Transportation Office sa mga Pilipino na sumunod na lamang sa ipinatutupad na batas ng gobyeno upang hindi maharap sa kaso lalo pa’t layunin lamang nito na mapangalagaan ang seguridad ng publiko.