LEGAZPI CITY – Inabisuhan ng Land Transportation Office Bicol na iwasan na muna ang pagbiyahe patungo sa mga pantalan sa rehiyon.
Kasunod ito ng kanselasyon ng biyahe sa mga pantalan ngayon na may sama ng panahon na dulot ng Bagyong Aghon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Land Transportation Office Bicol Director Francisco Ranches, sinabi nito na nakataas na ang signal number 1 sa ilang lalawigan sa Bicol kaya inaasahan na hahaba pa ang pila ng mga sasakyan sa labas ng mga pantalan.
Panawagan ng opisyal sa mga motorista na huwag ng dumagdag sa mga stranded na pasahero at sasakyan.
Aminado naman si Ranches na hanggang pagbibigay na lamang ng abiso ang kanilang ginagawa dahil hindi na sakop ng kanilang hurisdiksyon ang paglalatag ng mga checkpoints.
Samantala, nakikipagtulungan na rin ngayon ang Land Transportation Office sa mga lokal na pamahalaan upang ma-monitor ang biyahe ng mga sasakyan.