LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ng transport group ang inaasahan na naman na bigtime oil price hike sa susunod na linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CONDOR PISTON Camarines Sur head Joel Pillogo, malaki ang magiging epekto ng pagtaas na naman ng produktong petrolyo sa mga drivers dahil mulang mababawasan ang kanilang kita.

Hindi pa man umano nakakabawi sa magkakasunod na pagtaas noong nakaraang buwan, magkakaroon na naman ngayon ang dagdag singil sa petrolyo.

Hinaing din ng transport group na hindi naman sila makapagtaas ng singil sa pamasahe dahil ayaw naman na maapektohan ang mga mananakay na apektado rin ng krisis sa petrolyo.

Base sa anunsyo ng ilang oil companies, posibleng tumaas ng P5.40 hanggang P5.70 ang bawat litro ng diesel habang P1.30 hanggang P1.60 naman sa gasolina.

Epekto umano ito ng pagtaas ng demand ng petrolyo sa world market dahil sa pinangangambahang kakulangan ng suplay sa Estadus Unidos at mga bansa sa Europa na tumigil na sa pagbili ng oil products mula sa Russia magsimula ng pumutok ang gera nito laban sa Ukraine.