Legazpi City – Nasungkit ng lalawigan ng Albay mula sa Bicol ang ika-9 na puwesto sa kabuuang 82 na mga probinsya sa Pilipinas sa kakatapos pa lamang na Philippine Creative Cities and Municipalities na pinangunahan ng Department of Trade Industry ngayong taon.
Ayon kay Dindo Nabol, Regional Director ng Department of Trade and Industry Bicol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakakuha ng mataas na bahagdan ang nabanggit na lalawigan na nakabase rin sa 5 Pillars of Competitiveness na kinabibilangan ng economic dynamism, government efficiency, infrastructure, resiliency, at innovation.
Samantala, malugod namang ibinahagi ni Nabol ang pananatili ng Naga City sa ikaunang puwesto sa Component City na nakapag-uwi ng 6 na tropeyo at pumangatlo rin ang lungsod ng Legazpi.
Bukod pa rito, tinanghal naman ang lokal na gobyerno ng Barcelona bilang Top 3 sa Innovation, at Gubat bilang Top 3 Most Improved LGU na pawang mula sa lalawigan ng Sorsogon.
Samantala, nakuha rin ng lokal na gobyerno ng Camalig sa Albay ang ikaapat na puwesto sa Most Improved for 1st-2nd Class Municipality.
Labis ang galak ng naturang tanggapan sapagkat nagpapatunay umano ito na dumami ang investors at nagtiwala sa mga nabanggit na lugar.
Kung maalala, nasa ika-labing apat na puwesto ang Albay noong 2022, at ikalabinglima naman sa taong 2023.
Paalala na lamang ng opisyal na panatilihing maging proactive ang pamamahala upang mas maiangat pa sa mga susunod ta taon.