LEGAZPI CITY- Maagang nagsuspendi ng pasok sa lahat ng antas ang mga lalawigan ng Albay at Catanduanes bilang paghahanda sa pinangangambahang epekto ng bagyong Pepito.
Matatandaan na batay sa pagtataya ng state weather bureau ay posibleng ang Bicol region ang isa sa mga tumbukin ng naturang sama ng panahon.
Ayon kay Albay Acting Governor Glenda Ong-Bongao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagpasya ang pamahalaang panlalawigan na magpatupad ng early dismissal upang mabigyang daan ang pag-uwi ng mga mag-aaral sa kani-kanilang mga lalawigan at makapaghanda ang mga paaralan sa pagsiguro na ligtas ang kanilang mga kagamitan.
Nabatid na inalerto na rin ang lahat ng mga disaster response units upang makapaglatag na ng mga hakbang bago pa man tuluyang maka apekto sa lalawigan ang naturang sama ng panahon.
Samantala, sinabi ni Bongao na natuto na ang karamihan sa naging epekto noong bagyong Kristine kaya mas maagang naghahanda ang mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang anuman trahedya na dala ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.