LEGAZPI CITY – Isa na sa pinaglalamayan ngayon ang lalaking tutulong sana sa pagtatayo ng tolda sa isang burol matapos na makuryente sa Castilla, Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Castilla MDRRMO Head Edgar Aradales Jr., nangunguha ng kawayan ang biktimang si alyas ”Nonoy” Larce, 49-anyos na residente ng naturang lugar para sana gawing tolda sa isang burol.
Subalit natumba ang kayawan na kinukuha at nakadikit sa isang live wire na dahilan ng pagkakakuryente nito.
Bigla na lamang umanong nagsara ang bibig ng biktima kung kaya’t inakala ng mga kasamahan na inatake sa isang sakit.
Nalaman na lamang na nakuryente ng tumalsik ang humawak sa biktima.
Dito na tumawag ng tulong sa quick response team ng tanggapan at sinubukan pang dalhin sa ospital subalit idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Ayon kay Ardales, nagpahayag ng labis na kalungkutan ang pamilya ng biktima na imbes tutulong lang sana sa pagtatayo ng tolda sa isang burol ay isa na ngayon sa pinaglalamayan.