LEGAZPI CITY – Natapos na ang ilang araw na paghahanap ng mga awtoridad sa lalaking tumalon sa dagat habang sakay ng isang roro vessel mula sa Masbate patungong Pio Duran Port sa Albay nitong nakaraang Undas.
Sa panayam Bombo Radyo Legazpi kay Coast Guard Petty Officer 1st Class Saldy Bañaria, assistant chief ng Coast Guard Station Masbate, natagpuan ang bangkay ng biktima malapit sa baybayin ng Barangay Resurrection sa bayan ng San Fernando, Masbate.
Mga mangingisda umano ang unang nakakita ng katawan ng biktima na nagpapalutang-lutang sa nasabing parte ng karagatan.
Positibong kinumpirma ng mga kaanak ng biktima na ito nga ang katawan ng lalaking tumalon sa pampasaherong barko.
Ayon kay Bañaria, nasa state of decomposition o naaagnas na ang bangkay kung kaya’t agad din itong inilibing sa sementeryo ng naturang barangay.
Samantala, inamin ng opisyal na talagang nahirapan sila sa isinagawang search asin retrieval operation dahil sa malakas at malalaking alon kung kaya’t inabot ng apat na araw ang paghahanap.