LEGAZPI CITY—Nailigtas ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos subukan umano nitong tumalon sa isang tulay sa Barangay Dapdap, Legazpi City.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Legazpi Deputy Fire Marshal Senior Fire Officer 4 Garry Santander, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakatanggap sila ng ulat hinggil sa insidente kung saan agad itong nirespondehan ng BFP Legazpi Special Rescue Force.
Dagdag pa ng opisyal, may mga sugat sa kanang kamay ang lalaki.
Maliban dito, sinabi rin umano ng lalaki na siya ay pinipilit na gumamit ng iligal na droga.
Naging matagumpay ang pagsagip sa indibidwal habang nagsasagawa ng negosasyon sa pagitan nito at ng mga tauhan ng nasabing ahensya.
Samantala, mensahe ni Santander sa mga kaanak ng mga taong nakararanas ng depresyon na bantayan silang maigi at huwag pabayaan upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang pangyayari.