LEGAZPI CITY- Palaisipan sa ngayon sa mga otoridad ang kaso ng pagpatay sa isang babae na inilibing pa sa kwarta ng suspek sa Barangay Quirangay, Camalig, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCMS Marly Gragasin ang tagapagsalita ng Camalig MPS, kusang sumuko sa mga otoridad ang suspek na si Fernando Murillo 55 anyos at ibinunyag ang pagpatay sa biktimang si Carol Dado 36 anyos na residente ng Manito.
Base sa testimonya ni Murillo, magkatulong umano silang naghukay ng biktima sa loob ng kanyang bahay at inutusan siya ni Carol na sakalin ito at ilibing.
Sinunod niya lamang umano ang kahilingan ng biktima kaya nagawa ang krimen habang nakokonsensya na kung kaya’t sumuko sa mga otoridad.
Sa imbestigasyon naman ng PNP, lumalabas na mula sa Maynila ang biktima na nag-aantay sanang makabiyahe papuntang abroad subalit nagkaproblema sa recruiter kung kaya’t umuwi na lamang sa bahay ng suspek na nakilala lang nito sa social media.
May roon ring mga pagkakautang si Carol sa nirentahan nitong boarding house sa Manila na isa sa tinitingnang anggulo ng mga otoridad.
Sa ngayon isinasailalim na sa otopsiya ang bangkay ng biktima habang nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong Murder.