LEGAZPI CITY – Suspendido pa rin ngayong araw ang pasok sa trabaho sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa Catanduanes maliban na lamang sa mga nasa linya ng disaster management at delivery ng basic necessities.
Sa abiso na inilabas ni Governor Joseph Cua, para lamang ito sa seguridad ng lahat lalo na’t inaasahan pa rin ang malalakas na bagsak ng ulan sa lalawigan.
Inaalam pa sa ngayon kung nakapagdulot ng pinsala sa ilang sektor ang pagdaan ng Bagyong Bising at kung magkano ang aabutin.
Ipinagpapasalamat naman ng Coast Guard Station sa Catanduanes na walang naiulat na casualty o nawawala dahil sa bagyo.
Iniuugnay ito sa maagang pagbababa ng abiso noong Abril 17 sa “No Sail Policy” at kooperasyon ng mga kababayang mangingisda.
Sa bayan ng Virac, kinumpirma ni Virac MDDRMO Operations chief Mark Matira na nakapagtala ng isang injured sa Brgy. San Vicente matapos na makuryente habang nag-aayos ng bubong.
Nahulog pa si John Michael Saquiron, 25-anyos mula sa bubong subalit conscious naman ng dalhin sa pagamutan.