LEGAZPI CITY—Sugatan ang isang lalaki matapos itong pagtatagain ng kanyang kainuman sa Barangay Quintina, San Pascual, Masbate.
Ayon kay San Pascual Municipal Police Station, Public Information Officer, Police Master Sergeant Salgado Labangco, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nag-away ang suspek at biktima pagkatapos ng kanilang inuman dahil sa umano’y hindi pagkakaunawaan.
Ngunit maya-maya’y hinugot umano ng suspek ang isang itak sa kanyang tagiliran at tinaga ang kaliwang binti ng biktima.
Kinilala ang suspek na isang 43-anyos at ang biktima ay 26-anyos; parehong magsasaka.
Dagdag pa ni Labangco, kasalukuyang nagpapagaling sa Claveria District Hospital ang biktima.
Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng San Pascual MPS ang suspek at posibleng mahaharap sa kasong serious physical injury.
Paalala naman ng opisyal sa mga residente ng San Pascual na 24 oras ang serbisyo ng kanilang tanggapan na handang tumugon gayundin ang pagbantay sa kaligtasan ng komunidad.