LEGAZPI CITY – Maituturing na milgaro ang pagkakaligtas ng isang lalaki matapos na mahulog sa bangin sa Brgy. Oson, Tabaco City.
Kinilala ang biktima na si Christopher Cabria, 58-anyos na residente ng naturang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tabaco CDRRMO Head Gel Molato, napag-alamang tatlong araw ng nawawala ang biktima matapos na hindi ito umuwi galing sa pakikipag-inuman noong Easter Sunday.
Nahanap lamang ang biktima matapos makarinig ang isang magsasaka ng humahagulhol malapit sa bangin at ng tingnan dito na nakita ang katawan ni Cabria na agad namang ipinag-bigay alam sa mga awtoridad.
Pahirapan rin ang pag-rescue sa biktima dahil may taas na 15-feet ang bangin at walang daan pababa kaya kinailangang gumamit ng lubid.
Ipignagtaka naman ng rescue team na buhay at may ulirat pa ang biktima sa kabila ng mga tinamong injuries at pagka-trap ng tatlong araw sa bangin.
Samantala, hindi naman isinasantabi ng mga awtoridad ang posibleng foul play sa insidente kung kaya iimbestigahan pa rin ang pangyayari.