LEGAZPI CITY – Sugatan ang isang 27 anyos na lalaki matapos na masaksak ng kanyang sariling ama sa Barangay San Jose, Viga, Catanduanes.

Ayon kay Police Master Srgt. Dennis Cabrera ang investigator ng Viga Municipal Police Station, nagalit umano ang suspek na lalaki sa kanyang anak ng malaman na umuuwi at kumakain ito sa kanilang bahay.

Subalit dumepensa naman ang biktima na nagsabing hindi totoo ang paratang dahil sa kanyang kapatid umano siya kumakain.

Dito na nagalit ang lasing na suspek na umuwi sa kanilang tahanan at kumuha ng kutsilyo.

Pagbalik ng suspek ay nasaksak nito ng isang bes ang kanyang anak na tinamaan sa ibabang bahagi ng dibdib.

Agad naman na naitakbo sa ospital ng kanyang kapatid ang biktima habang kusa naman na sumuko sa mga pulis ang suspek na ama.

Sa ngayon ay nakalabas na sa ospital ang biktima na nakipag-areglo na lamang sa kanyang ama at hindi na magsasampa pa ng kaso.