LEGAZPI CITY—Patay ang isang lalaki matapos na pagsasasaksakin sa Barangay Bonot, Legazpi City.
Ayon kay Legazpi City Police Station Spokesperson Police Executive Master Sergeant Carlos Paña, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang suspek ay isang 41 taong gulang habang ang biktima ay 42 taong gulang.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, habang pauwi ang biktima at ang dating asawa ng suspek sa Barangay Bonot ng nasabing lungsod, bigla umanong sinaksak ng suspek ang biktima nang magbubukas na ito ng pinto.
Dahil sa pananaksak, may tama ang biktima sa likod at sa bahagi ng kanyang leeg.
Aniya, ayon sa attending physician, ang posibleng dahilan ng pagkamatay ng biktima ay ang saksak sa kanyang likod.
Dagdag pa ni Paña, posibleng selos ang motibo sa pananaksak sa biktima.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Legazpi CPS ang kutsilyong ginamit sa pananaksak bilang ebidensya, gayundin ang suspek na posibleng mahaharap sa kasong murder.
Samantala, mensahe ng opisyal na kung may away mag-asawa ay pwede silang pumunta sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mabigyan ng gabay ang kanilang mga problema at upang hindi na ito humantong sa isang krimen.