LEGAZPI CITY – Dead on arrival ang isang lalaki matapos na sumapok sa truck ang minamanehong motorsiklo sa Purok 2 Barangay Aroroy, Jubaban, Sorsogon.

Kinilala ang biktimang si Johan Andrie Lagardo Surbano, 19-anyos na residente ng Purok 6 Barangay Balogo, East District, Sorsogon City.

Sa panayan ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Reynaldo Antes, hepe ng Juban Municipal Police Station, napag-alaman na galing sa outing ang biktima at lasing subalit nagpupumilit na imaneho ang naturang motorsiklo.

Hindi ito napigilan ng mga kasamahan hanggang sa hindi inaasahan ay bigla na lang sumalpok sa kasulong na truck patungong Sorsogon City.

Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding tama sa ulo si Surbano matapos na makabagok ang ulo sa semento na dahilan ng agarang pagkamatay lalot pa’t wala itong suot na helmet.

Ayon kay Antes, hindi na magsasampa ng kaso ang kamag-anak ng biktima matapos makipag-areglo sa may-ari ng truck na babayaran na lamang ang danyos.