File Photo © Bombo Radyo

LEGAZPI CITY- Humihingi ngayon ng tulong at hustisya ang pamilya ng lalaking nananatiling naka-confine sa ospital sa ngayon matapos na masabugan ng gasera na tinangka sana nitong pailawan.

Nalapnos ang malaking bahagi ng katawan ng biktimang si Rodolfo Esquivel, 78, na residente ng Brgy. Bitano sa lungsod ng Legazpi.

Isinisisi ng pamilya ng biktima ang nangyari sa biniling petrolyo ni Rodolfo.

Ayon sa ulat ng manugang na babae nitong si Flora Esquivel, 50 sa Legazpi City Police Station, nitong Disyembre 6 dakong alas-5:00 ng hapon nang bumili ng kerosene o gaas ang biktima sa isang gasoline station sa kanilang barangay, sa halagang P100.

Marami pang lugar sa Legazpi ang nananatiling walang suplay ng kuryente matapos ang pananalasa ng Bagyong Tisoy sa Bicol kaya’t umaasa sa gasera bilang ilaw sa gabi.

Noong Disyembre 8 dakong alas-6:00 ng gabi, magsasalin sana si Rodolfo ng gaas sa gasera nang biglang sumiklab ang apoy.

Bunsod nito, nabitiwan ng lalaki ang gasera dahil nagulat sa kumalat na apoy habang napasalampak sa semento.

Lumikha naman ng pagsabog ang nabitiwang gasera na tumama sa paa, hita at mga kamay ni Rodolfo.

Agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima na nagtamo ng mga sugat.

Samantala sa paunang imbestigasyon napag-alaman na hindi kerosene o gaas ang naibigay sa biktima kundi unleaded gas.

Ang naturang uri ng petroleum product ay itinuturing na isa sa mga “most hazardous combustible material”.