LEGAZPI CITY- Wala ng buhay ng abutan ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos na hindi na makalabas sa nasusunog na bahay sa Barangay Cayabon, Milagros, Masbate.
Ayon kay SFO4 Victor Pascual, OIC-Municipal Fire Marshal ng Milagros BFP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nakagawian na ng biktima at ng asawa nito na maglinis ng kanilang farmland.
Aniya, nagsunog ang mga ito ng mga tuyong dahon subalit dahil sa malakas na hangin sa lugar, mabilis na kumalat at lumaki ang apoy hanggang sa inabot ang kanilang bahay.
Kuwento ng asawa ng biktima na nanghihinayang ito sa inaning 29 kaban ng palay kaya nagpumilit na pumasok sa kanilang bahay upang maisalba ang kanilang ani.
Subalit hindi na nakalabas pa ang biktima hanggang sa makulong at masunog sa loob ng bahay.
Natagpuan ang biktima na nakayakap pa sa mga nasunog na palay.
Ayon kay Pascual, alas-12:00 pa ng tangghali nangyari ang kasulo subalit halos alas-2:00 na ng hapon nai-report sa mga awtoridad kaya hindi agad naagapan ang insidente.
Paalala nito sa publiko na palaging mag-ingat lalo pa’t grabe ang tindi ng init ng panahon.