LEGAZPI CITY – Matagumpay na naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaking iligal na nangingisda sa bayan ng Bulan sa Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Lt. Rudy Divinagracia, Deputy chief ng Bulan PNP, nagsagawa ng pagpatrolya ang mga opisyal ng Municipal Agriculture Office kasama ang operatiba ng Bulan Municipal Police Station sa nasabing parte ng karagatan.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto kay Leonardo Gabanza, 32 taong gulang, residente ng Barangay Sagrada ng nasabing bayan.
Ayon kay Divinagracia, naaktuhan ng mga nagpatrolyang mga awtoridad si Gabanza habang ginagawa ang iligal na paghuli ng isda gamit ang compressor sa karagatang bahagi ng Barangay Quezon, Bulan.
Nakumpiska rito ang isang bangkang de motor at mga gamit sa pangingisda.
Binigyang-diin ng opisyal na mahigpit na ipinagbabawal ang illegal fishing sa bayan na layuning mapangalagaan at mapanatili ang yamang dagat sa lugar.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Bulan MPS ang nasabing persona upang masampahan ng karampatang parusa.
Malaki naman ang pasasalamat ng kapulisan sa mga taong patuloy na nagsusuporta at tumutulong upang mahuli ang mga taong patuloy na lumalabag sa batas.