LEGAZPI CITY—Arestado ang isang lalaki dahil sa kasong panghahalay sa isang menor-de-edad sa Barangay San Fernando sa bayan ng Sto. Domingo, Albay.
Ayon kay Sto. Domingo Municipal Police Station Public Information Officer Police Corporal Arlene Balean, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang suspek ay isang 24 taong gulang, magsasaka, at residente ng nasabing bayan.
Arestado ang suspek matapos umanong halayin ang menor-de-edad na anak ng kanyang live-in partner.
Aniya, sinampahan ng kaso ang suspek ng 12-anyos na biktima at ng kanyang biological father.
Dagdag pa ng opisyal, itinago umano ng ina ng biktima ang krimen na ginawa ng suspek.
Ayon ki Balean na may nakabinbing kasong child abuse laban sa ina ng biktima dahil sa pagtatago ng krimeng ginawa ng kanyang live-in partner na suspek.
Samantala, mahaharap ang suspek sa dalawang kaso ng Qualified Rape of a Minor na parehong walang piyansa at dalawang kaso ng Acts of Lasciviousness na may piyansang tig-P180,000 bawat isa.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Sto. Domingo MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon.