LEGAZPI CITY—Arestado ang isang lalaki sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad sa bayan ng Malilipot, Albay.
Ayon kay Malilipot Municipal Police Station Chief of Police Captain Alex Alcantara, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isang 14-anyos na babaeng biktima ang nagtungo sa kanilang opisina kasama ang kanyang ina upang i-ulat ang inirereklamong ka-chat umano ng biktima.
Napag-alaman ng pulisya na muling inimbitahan ng 29-anyos na suspek ang biktima na makipagkita sa kanya sa isang lodging house sa nasabing bayan.
Dahil dito, nagkasa ng entrapment operation ang magkasanib na operatiba ng Malilipot MPS at Regional Anti-Cybercrime Unit 5 kasama ang biktima at nagtungo sila sa meeting area.
Ayon sa opisyal, sinundo ng suspek ang biktima sakay ng motorsiklo at nagtungo sa isang lodging house, ngunit pagdating sa kwarto ng mga ito ay agad na inaresto ng mga awtoridad ang suspek.
Dagdag pa ni Alcantara, nag-uusap ang biktima at ang suspek gamit ang kanilang dummy account sa social media—kung saan dito na nakumbinsi ng suspek ang menor de edad na magpadala ng mga nude photos at videos, na ginamit ng suspek bilang panakot sa biktima upang ito ay makipagkita sa kanya.
Bago pa man ang entrapment operation, tatlong beses na umanong dinala ng suspek ang biktima sa kaparehong lodging house.
Bukod dito, pagsapit ng buwan ng Setyembre, naobserbahan din umano ng ina ng bata na may kiss marks ang kanyang anak.
Aniya ang suspek ay residente ng bayan ng Malinao, Albay; habang ang biktima ay residente ng Tabaco City.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Malilipot MPS ang suspek at mahaharap sa patung-patong na kaso.