LEGAZPI CITY – Inihahanda na ang laboratoryo ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital upang magsilbing testing facility sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa inilabas na pahayag ng Department of Health (DOH) Bicol, kakayaning masilbihan ng Bicol Regional Diagnostic Reference Laboratory ang anim na lalawigan sa rehiyon.
Inaasahang magpapabilis ito sa pagtukoy kung kumpirmado o negatibo sa COVID-19 ang mga sasailalim sa pagsusuri.
Ayon kay Dr. Ernie Vera, regional director ng DOH Bicol, kailangang maging maingat sa naturang mga test maging ang kits na gagamitin ang dapat na pasado rin sa lab standards.
Nabatid na ilang staff members na ang nagtungo sa Maynila upang sumailalim sa training sa pagsasagawa ng tests.
Samantala, wala pang eksaktong petsa kung kailan pasisimulan ang operasyon sa COVID-19 testing ngunit hindi na rin umano ito gaanong magtatagal.
Sa ngayon, ipinapadala pa ng rehiyon ang samples ng suspected COVID-19 patients sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Batay sa latest date ng kagawaran, mayroong na 49 na Persons Under Investigation (PUIs) kung saan 21 ang nagnegatibo sa COVID-19 habang 28 pa ang naghihintay ng resulta.