LEGAZPI CITY- Pinabibilisan na ng isang labor group ang panawagan na pagpapatupad ng National Legislated Wage Increase sa bansa.
Tila kasi hindi nakuntento ang ilang grupo sa P35 na dagdag sahod na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Sonny Matula sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na 23.3% lamang ito sa P150 na dagdag sahod na hinigingi ng kanilang hanay.
Aniya hindi lamang sa Metro Manila dapat na magpatupad ng wage increase kundi sa buong bansa lalo pa lahat naman ay naaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng inflation.
Dahil dito ay binibilisan na umano ang lobbying sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa P150 wage proposal.
Ayon kay Matula na umaasa sila na mapagbibigyan na ang National Legislated Wage Increase matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Hulyo.
Paliwanag ng grupo na makakatulong ang pagbibigay ng dagdag-sahod sa informal economy lalo na sa mga mahihirap na rehiyon sa bansa.
Hindi umano dapat na ilihis ang atensyon ng kakarampot na P35 increase sa matagal na nilang panawagan na pagbibigay ng nakakabuhay na sahod para sa lahat.