LEGAZPI CITY – Hinihintay pa sa ngayon ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang ibababang labor advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE) bilang warning sa mga kompanya na nagpapatupad ng “No Vaccine, No Salary” policy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, lumapit sa kanila ang ilang empleyado para magreklamo sa naturang patakaran.
Tinawag naman itong unfair, iligal at immoral ng opisyal lalo pa’t marami naman umano ang nagnanais na mabakunahan subalit sadyang kulang pa ang suplay.
Aminado si Tanjusay na natatakot rin ang mga naturang empleyado na magdirekta ng reklamo sa DOLE dahil sa pangamba na mabuking ang pagkakakilanlan at posibleng mauwi sa transfer, demotion o pagsibak sa trabaho.
Ipinagpasalamat din nito ang panawagan ng ilang mambabatas na maimbestigahan ang kontrobersyal na patakaran.
Sa kabila nito, naniniwala si Tanjusay na kailangan pa rin ang bakuna para sa proteksyon ng mga mamamayan laban sa COVID-19.