LEGAZPI CITY- Hinamon ng isang labor group si Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma na magbitiw sa posisyon kung hindi nito kayang depensahan at suportahan ang mga manggagawa.
Ito ay sa gitna pa rin ng pagtuligsa sa kalihim dahil sa tila pagkontra nito sa panukalang pagtataas ng minimum wage ng mga manggagawa.
Ayon kay Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa Secretary General Joshua Mata sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang opisyal ang dapat na nakikipaglaban para sa mga manggagawa subalit ang kalihim pa umano ang unang kumukontra sa matagal nang panawagan na taasan ang sahod ng mga empleyado.
Kung hindi naman aniya gagampanan ni Secretary Laguesma ang mandato nito ay mas mainam pang magbitiw na lamang at palitan ng mas makakaunawa sa hinaing ng mga manggagawa.
Paliwanag ni Mata na napatunayan ng walang epekto sa inflation ang wage increase na taliwas sa paninindigan ng kalihim.
Dagdag pa ng naturang grupo na kinakailangan na bawasan ang ganid ng malalaking emloyer at balansehin ang pangangailangan ng mga empleyado upang makasabay ang kita ng mga ito sa patuloy na pagtaas ng inflation.