LEGAZPI CITY- Umakyat na sa dalawa ang kumpirmadong kaso ng COVID 19 sa evacuation center sa bayan ng Daraga sa Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Health (DOH) Bicol Director Dr. Ernie Vera , nagpositibo sa isinagawang RT-PCR test ang 12 anyos na close contact ng isang 83 anyos na una ng tinamaan ng COVID 19 sa Barangay Anislag.

Kabilang umano ang mga ito sa mga pamilyang apektado ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon at pansamantalang nananatili sa evacuation center.

Agad naman na dinala sa Isolation ward ng Daraga ang pasyente habang naglunsad na ng contact tracing at isinailalim na rin sa confirmatory test ang limang mga kaanak at close contact nito.

Aminado si Vera na hindi maiwasan na magkahawaan ng sakit dahil siksikan sa mga evacuation centers, subalit tiniyak naman nito na agad na naaksyonan ang kaso upang hindi na kumalat pa.

Payo naman ng opisyal sa mga evacuees na magsuot pa rin ng face mask bilang dagdag na pag-iingat habang inabisohan ang lahat na agad na magpatingin sa health team sakaling makaramdan ng mga sintomas ng sakit.