LEGAZPI CITY – Nilinaw ni Ako Bicol Partylist Representative Jil Bongalon na walang halong pamumulitika ang isinasagawa ngayong imbestigasyon ng Senado at Kamara laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bongalon, parte lamang umano trabaho ng Senado na paimbestigahan ang mga anomalyang kinasasangkutan ng Pastor partikular na ang mga reklamo ng umano’y pangmomolestiya nito sa mga menor de edad na kababaihang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ.
Sa panig naman ng Kamara, sangkot rin si Quiboloy sa operasyon ng Sonshine Media Network International na lumabag sa prangkisa kung kaya kabilang rin ang pastor sa mga ipinapatawag sa pagdinig.
Binigyang diin ni Bongalon, na kahit pa isang makapangyarihan at maimpluwensyang tao ang Pastor ay dapat lamang na managot kung may nalabag na batas.
Payo naman nito kay Quiboloy na dumalo na lang sa pagdinig ng Senado at Kamara at maging magandang halimbawa sa kanyang mga tagasunod.
Maaalalang una ng nagpalabas ng contempt order ang dalawang sangay ng Kongreso laban sa Pastor dahil sa makailang ulit na hindi pagsipot sa pagdinig.