LEGAZPI CITY – Nagpahayag ng pagkabahala ang isang kongresista sa pagmamadali ng Senado na maipasa na ang bill na magbabalik ng Reserve Officers’ Training Corps sa mga kolehiyo sa Pilipinas.
Kasunod ito ng naging anunsyo ng Senado na tataposon na ang pagdinig at ipapasa ang Senate Bill No. 2034 bago matapos ang buwan ng Mayo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, marami pang mga bagay na dapat na mas tutokan ng Kongreso upang mas mapaganda ang sitwasyon ng mga estudyanteng Pilipino kesa sa pagbabalik ng ROTC.
Kasama na dito ang pagpapatayo ng mga bagong paaralan, pagpapaayos ng mga pasilidad, pagbili ng mga gamit na panlaban sa init ng panahon, pagdagdag ng guro at iba pa.
Ayon kay Manuel, mas kailangan ngayon ng Pilipinas ang pagpapalakas sa kalidad ng edukasyon kesa sa pagsasailalim ng mga estudyante sa training ng militar.
Pinangangambahan rin ng kongresista ang posibilidad na bumalik ang dating naging problema ng pang-aabuso sa mga estudyante at ang isyu ng korapsyon.
Binigyang diin pa ni Rep. Manuel na hindi dahilan ang tensyon sa China upang ipagsawalang bahala ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.