Nakahanda na ang ilang grupo sa Bicol para sa isasagawang kilos protesta bukas kasabay ng State of the Nation Adress ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Tatawagin ang kilos protesta na People’s SONA na layuning maipahayag ang mga hinaing ng grupo sa administrasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nica Ombao ang Regional Coordinator ng Bicolana Gabriela, mag-uumpisa ang protesta alas -8 ng umaga sa Duterte Highway sa bayan ng Daraga at magsasagawa ng parada patungo sa Guinobatan Freedom Park.
Sa hapon naman ay sasabayan nila ang magiging SONA ni Presidente Marcos.
Inaasahan na aabot sa 500 ralihista ang makikisabay sa gagawing kilos protesta na kinabibilangan ng mga grupo ng mga magsasaka, mga kababaihan, LGBTQIA+ community, at iba pa.
Panawagan ng grupo na makiisa ang komunidad sa gagawing protesta dahil para umano ito sa mga mamamayan.
Sa ngayon ay nakakuha na ang grupo ng kinalailangang dokumento para sa isasagawang protesta.