Legazpi City – Binuksan na ng Philippine Coast Guard ang tinaguriang kauna-unahang radar station sa buong Bicol Region at ika-pito naman sa buong bansa sa barangay Hiyop, bayan ng Pandan, Catanduanes.
Pinangunahan ang nasabing seremonya ni Commodore Philipps y Soria, Commander ng Philippine Coast Guard District Bicol, at nagsilbi naman bilang Guest of Honor si Governor Joseph Cua.
Ayon kay Commodore Soria, sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi, malaking tulong umano ito sa kanilang ginagawang surveillance at maritime security sa eastern seaboard na bahagi ng Pilipinas.
Meron umano itong kapasidad sa pag-detect ng vessels na aabot sa mahigit 96 nautical miles ang effective range ng naturang kagamitan.
Bukod pa rito, mayroong din itong forward infrared camera na kaya umanong mag-detect kahit masama ang kalagayan ng panahon.
Sa tala ng PCG, mahigit 80-K umano ang dumadaan na vessels sa nasabing karagatan at sa pamamagitan nito, makakapagbigay sila ng ‘extended monitoring’ at mamantina ang maritime integrity sa pag-track sa mga katubigan ng bansa.
Dagdag pa ni Soria, nag-ooperate umano ito sa loob ng 24 oras at sinigurong may mga nakabantay na coast guard personnels upang mas mapabilis ang pagpapaabot ng impormasyon.
Pinasalamantan din ng nasabing opisyal ang mga naging katuwang sa proyekto sa hanay ng provincial government ng Catanduanes, pamahalaang lokal ng bayan ng Pandan, at maging ng Department of Tourism sa pagpapagamit ng building na pinaglagyan ng radar.
Sa ngayon ay halos nasa kabuuang 1, 300 pa lamang umano ang personahe ng PCG sa Bicol, kung kaya’t target na makapagpagawa pa ng ikalawang pasilidad upang mas mapaigting ang pagbabantay sa katubigan at teritoryo na sakop ng bansa.