LEGAZPI CITY – Inilunsad na ng Department of Agriculture Bicol ang kauna-unahang gatas na gawa sa pili nuts.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lovella Guarin ang tagapagsalita ng Department of Agriculture Bicol, naimbento ang gatas sa pagtutulongan ng mga eksperto ng Sorsogon Dairy Production and Technology Center at Bureau of Agricultural Research.
Inabot rin umano ng dalawang taon ng mahabang mga pag-aaral bago ito naimbento.
Ayon kay Guarin, pormal ng inilunsad ang pili nut milk na unang ipinatikim sa mga opisyal ng Department of Agriculture at mga partner agencies.
Subalit hindi muna ipagbibili ang gatas sa merkado dahil plano pa ng ahensya na mag-apply muna ng patent at makikipagpartner sa asosasyon ng mga magsasaka na siyang magbebenta nito.
Umaasa ang opisyal na tatangkilikin ng mga Pilipino ang sariling imbentong gatas na maliban sa masustansya at mabuti sa katawan ay mas ligtas pang inomin dahil plant based at mababa ang posibilidad na magkaroon ng kontaminasyon.