LEGAZPI CITY- Nilagdaan na ng ICLEI Southeast Asia at Philippine Movement for Climate Justice ang kasunduan para sa Renewable Energy Roadmap Project ng lalawigan ng Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Climate Justice Senior Energy Program Officer Larry Pascua, sinabi nito na bahagi ng kanilang commitment ang pag-develop ng renewable energy roadmap sa buong lalawigan ng Albay.

Nabatid na target na makapaglagay ng renewable energy sa lahat ng mga bayan at lungsod sa lalawigan kung saan unang titingnan ang kapasidad ng mga ito na magkaroon ng renewable resources.

Ito ay sa gitna ng malaking problema ng Albay sa enerhiya na nakakaranas ng madalas na power interruption.

Sinabi ng opisyal na kanilang tututukan ang solar energy, hydrothermal energy at wind energy.

Samantala, sinabi ni Pascua na sa isasagawang Renewable Energy Investments Summit sa Agosto sa Albay ay inaasahang dadalo ang ilang mga foreign at local investors gayundin ang mga developers sa energy industry na inaasahang magiging malaking tulong sa lalawigan.

Aminado ang opisyal na bumaba ang energy capacity sa bansa kaya kinakailangan na matutukan ang kaparehong mga programa.