LEGAZPI CITY – Umakyat sa 607 ang kabuuang kaso ng dengue na naitala sa Bicol mula Enero 1 hanggang Hunyo 18, 2022.

Batay sa inilabas na tala ng Department of Health (DOH) Center for Health and Development Bicol, pinakamataas ang naitala sa Camarines Sur na may 373 na kaso ng Dengue.

Sa Camarines Norte ay may 108; 57 sa Catanduanes ; 34 sa Masbate; 23 sa Albay; at 12 sa Sorsogon.

Sa buong rehiyon, may dalawang naitalang nasawi dahil sa sakit.

Nitong Hunyo 11 hanggang 18 lamang, nakapagtala ng 23 kaso sa Bicol.

Mas mataas ng 92% ang naturang bilang kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Nakukuha ang sakit sa impeksyon mula sa virus na dala ng lamok na Aedis Aegypti na nagdudulot ng lagnat na may kasamang pagdurugo kung minsan.

Ilan pang sintomas ang biglaang pagtaas ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, sakit ng kalamnan at kasu-kasuan, kawalan ng ganang kumain, pagkahilo, pagsusuka, at pamamantal sa balat na makakamatay kapag hindi naagapan.

Kaugnay nito, paalala ng kagawaran sa publiko na sundin ang 4S Strategy kontra Dengue kabilang pagsira sa pinamumugaran ng mga lamok, pagprotekta sa sarili, pagsangguni agad sa pinakamalapit na gamutan kapag nakaramdam ng sintomas, at suporta sa fogging sa mga lugar na may pagtaas ng kaso sa loob ng dalawang linggo upang maiwasan ang outbreak.