LEGAZPI CITY-Tututukan ngayon ng Albay Provincial Health Office ang paglalagay ng mga Social Hygiene Clinic sa mga Rural Health Units sa lahat ng mga bayan at lungsod sa lalawigan.
Ito ay sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas ng naitatalong kaso ng HIV/AIDS sa lalawigan.
Ayon kay Albay Provincial Health Office Provincial Epidemiology & Surveillance Unit Head & HIV Program Coordinator Jan Edmund Bailon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sa kasalukuyan ay anim pa lamang ang Social Hygiene Clinic sa lalawigan.
Matatagpuan ang mga ito sa mga lungsod ng Legazpi, Tabaco, Ligao at bayan ng Daraga, Manito at Oas.
Layunin ng paglalagay ng Social Hygiene Clinics na mas mailapit pa sa publiko ang serbisyo lalo na ang mga inaalok na libreng HIV testing.
Sa kasalukuyan ay kinakailangan na lamang umano ng mas maraming trainings para sa tamang pag-handle ng mga pasyente.
Nabatid na simula Enero hanggang Disyembre sa nakalipas na 2023 ay nakapagtala ang Albay ng nasa 105 HIV cases.
Ayon kay Bailon na nakakabahala ang naturang bilang kaya napapanahon lamang ang paglalatag ng solusyon sa problema upang mas matulungan ang mga pasyente.