
LEGAZPI CITY – Matapos ang pagbabantay sa pagsapit ng bagong taon, agad na nakatutok ang pulisya sa lalawigan ng Albay sa posibleng banta ng panibagong aktibidad ng bulkang Mayon.
Ayon kay Albay Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang kanilang mga tauhan ay naitalaga na sa mga barangay, bayan, at mga tourist attraction na nakapaloob sa 6-km permanent danger zone para sa pagbabawal sa pagpasok sa paligid ng bulkan.
Nagpapatuloy din ang koordinasyon ng kanya-kaniyang Police Stations sa mga lokal na gobierno para sa magandang paglalatag ng mga tauhan, reserve forces, at emergency quick response team.
Sinabi ng opisyal na 12 checkpoint na ang naitayo sa paligid ng mayon unit area at may posibilidad na tumaas pa ang bilang na ito lalo na kung lumala ang sitwasyon at sa abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Nagbabala rin si Nuñez na ang sinumang lalabag sa kanilang pagbabawal sa pagpasok sa 6-km permanent danger zone ng Bulkang Mayon ay maaaring maharap sa pagkakakulong at kaukulang mga kaso.










