LEGAZPI CITY – Nakipag-usap na si Kapitan Elvis Millares ng Barangay Quirangay, Camalig sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol upang masoluysunan ang hinaing ng ilang mga nasasakupan na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Millares, karamihan sa mga nagpaabot ng reklamo ay mga residenteng nabigyan na permanteng relocation house ngunit nasa loob ng 6km permanent danger zone ang kabuhayan na tinatawag na ‘economically displaced.”
Dahil sa ipinagbabawal ang pagpasok at pagtatanim sa permanent danger zone dala ng patuloy na pag-aalburuto ng bulkan, walang mapagkukunan ng hanapbuhay ang naturang mga residente na karamihan ay pawang mga pagsasaka at pag-aalaga ng mga hayop ang hanap-nuhay.
Ayon pa kay Millares, walang natatanggap na ayuda ang mga ito sa alin mang mga ahensya ng gobyerno at iba pang mga tulong kung kaya’t aminadong problema ang pang-araw-araw na gastusin at pangangailangan.
Makikita rin aniya sa mga residente na nahihirapan sa sitwasuon kung kaya’t kailangan ng tulong.
Sa kasakulukuyan, inaantay na lamang ang sagot ng mga ahensya sa mga pannawagan upang agad na matulungan ang mga residenteng economically displaced.