LEGAZPI CITY – Puno na ang mga itinalagang quarantine facility sa Aroroy, Masbate matapos ang dagsa ng mga Locally Stranded Individuals (LSI) sa ilalim ng Balik-Probinsiya Program.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Aroroy Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Ronnie Atacador, aminado itong na-overwhelm ang kapasidad ng mga pasilidad sa sentro na umabot na sa 95%.
Batay sa datos na hawak, nasa higit 380 ang occupants sa eskwelahan na ginawang qurantine facility.
Kaugnay nito, nag-isip ng estratehiya ang mga local officials kaya’t limang barangay ang nagbukas ng mga eskwelahan para sa pagtanggap ng mga LSIs.
Ayon pa kay Atacador, may mga health workers na nagmomonitor sa kondisyon ng kalusugan ng mga ito, pagkain na mula sa lokal na pamahalaan at bigas na tulong naman ng mga barangay.
Kahit nabibigyang-kasagutan pa ang mga problema sa LSI, pinaghahandaan na rin ang posibilidad ng pagkaubos ng pondo ng LGU kaya’t pag-uusapan ang magiging hakbang sa pulong sa Biyernes, Hulyo 3.
Hangad naman ng opisyal na huwag nang masabayan pa ng sama ng panahon ang health crisis upang hindi maging dagdag-bigat sa mga residente.