LEGAZPI CITY – Pagsasayang ng pera ng taumbayan at pag-aaksaya umano ng panahon ang nangyari matapos na ideklara ang failure of election sa national officers ng Philippine Councilors League (PCL) kahapon.

Nahaluan ng espekulasyon sa dayaan ang tapatan nina incumbent PCL national chairman Danilo Dayanghirang ng Davao City at humahamon na si Councilor Jesciel Richard Salceda ng Polangui, Albay, dahil sa pumalyang automated poll.

Hindi rin kinatigan ng national board ang ipinanukalang manual election ng kampo mula sa Albay.

Inilahad ni Atty. Miles Raquid Arroyo, isa sa mga legal counsel ni Salceda sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, malinaw na nawala ang integridad ng halalan sa nangyari.

“Dry-run” pa lang aniya, napupunta na kay Dayanghirang ang boto kahit pa si Salceda ang pinili.

Duda ng kampo, nasa “source code” ang glitch ng sistema batay na rin sa pahayag ng information technology (IT) programmer ng grupo.

Hirit pa ng city councilor, tukuyin ang nag-utos sa pag-program ng mga data sa halalan at imbestigahan sa kabuuan ang iskandalo.

Samantala, idineklarang bakante ang mga posisyon sa national board at bumuo na rin ng ad hoc committee na makikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagtatakda ng bagong election date, sa loob ng 30 hanggang 60 araw.

Tinatayang nasa higit 14, 000 konsehal sa bansa ang dumalo at nagbayad ng P15, 000 sa bawat isa para sa registration ng aktibidad na pinasimulan noong Pebrero 26 sa SMX Convention Center sa Pasay City.

Atty. Miles Raquid Arroyo