LEGAZPI CITY- Kinumpirma ng kampo ni dating Albay Governor Noel Rosal na natanggap na nila ang kopya ng kautusan ng Office of the Ombudsman kasunod ng pasya sa mga kasong kinakaharap nila ng asawang si Legazpi City Mayor Geraldine Rosal.
Matatandaan na batay sa desisyon ng Ombudsman, pinatawan ng isang taon na suspensyon si Mayor Geraldine habang dismissal naman at pinagbawalan na humawak ng anumang pampublikong posisyon si dating governor Noel Rosal.
Sa ipinalabas na statement ng opisyal, nilinaw nito na hindi pa final at executory ang naturang desisyon kaya may mga legal remedies pang gagawin.
Nanindigan rin ang kampo ng mga Rosal na wala silang nagawang iregularidad o paglabag sa batas.
Matatandaan kasi na namagahi ng ayuda ang naturang opisyal sa mga tricycle drivers sa lungsod ng Legazpi kahit pa umiiral na ang election spending ban.
Samantala, nanawagan naman ito sa publiko na kumalma dahil hindi pa umano tapos ang kanilang laban.
Pinuna pa ni Rosal ang mga nasa likod ng magkakasunod na pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mag-asawa dahil ang hindi umano pagrespeto sa boses ng mga Albayano ay ang simula ng pagsira sa demokrasya.
Nanawagan ito sa mga kalaban sa politika na lumaban ng patas at hayaan na pumili ang publiko.