LEGAZPI CITY – Kakulangan sa tubig at iba pang basic needs ang kinakaharap na problema ngayon ng mga evacuees sa bayan ng Guinobatan, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Punong Barangay Marites Alcala ng Barangay Tandarura, hindi maiwasan ang problema sa suplay ng tubig at maging nararanasang power interruption lalo pa’t siksikan sa evacuation center.

Kasama ang naturang barangay na pasok sa 6 km radius permanent danger zone, kung kaya’t nananatili ngayon ang mga residente sa lugar na itinalagang evacuation center sa Barangay Mauraro ng naturang bayan.

Ayon kay Alcala, hindi na man lumikas lahat ng residente sa nasasakupang barangay lalo na ang mga may malalang sakit na hindi naman pwedeng dalhin o manatili sa evacuation center.

Subalit tiniyak na lahat ng kabataan ay nailikas na upang hindi magkaroon ng problema kung sakaling lumala pa ang sitwasyon.

Hiniling din ng opisyal sa lokal na pamahalaan na malagyan ng imbakan ng tubig sa evacuation center upang mayroong magamit ang mga evacuees.

Inamin ni Alcala na mas mahirap ang sitwasyon kapag nagkakaroon ng pag-alburoto ang Bulkang Mayon kumpara sa bagyo dahil kailangan talagang ilikas ang lahat ng residente na apektado.

Binigyang diin nito na sa ganitong sitwasyon ay kailangang 100% na nakatutok lalo na sa pagtulong sa mga kababayang nananatili sa evacuation center.

Samantala sa hiwalay na panayam kay Guinobatan Mayor Paul Chino Garcia, lahat naman ng mga evacuees na nasa listahan ay napapaabutan ng relief goods.

Tiniyak din na ginagawa na ang lahat upang mabigyan ng solusyon ang mga hinaing ng mga evacuees at problema sa evacuation center.