LEGAZPI CITY- Inihayag ng Filipino Nurses United na nananatiling malaking problema sa mga ospital sa bansa ang kakulangan sa mga nurses.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jocelyn Andamo, Secretary General ng Filipino Nurses United, marami pa rin sa kanilang mga miyembro ang nagreresign sa mga ospital at pinipiling magtrabaho sa ibang bansa.

Isa sa mga dahilan nito ay ang nananatiling mababang sahod ng mga nurses at manggagawang pangkalusugan.

Hindi pa rin aniya maramdaman ng sektor ang tunay na pagkalinga mula sa pamahalaan.

Ayon sa opisyal, nagiging competitive rin aniya ang ibang mga bansa sa pagrerecruit ng mga Filipino nurses kaya marami ang nae-engganyo na mag abroad.

Hamon naman ni Andamo sa pamahalaan na kung talagang seryoso na tulungan ang mga health workers ay dapat na gawing P50,000 ang buwanang sahod ng mga nures dahil na rin sa mataas na cost of living at pagtaas ng inflation rate.

Samantala, lalahok ang FNU sa isasagawang Peoples State of the Nation Address upang ipanawagan ang dagdag sweldo at hilingin sa gobyerno na pagbutihin ang kondisyon ng mga nurse upang mahikayat ang mga ito na manatili sa sariling bansa.