LEGAZPI CITY-Pumanaw na sa edad na 101 si Juan Ponce Enrile, ang dating presidential legal counsel ni President BongBong Marcos asin dating Senate President.

Kinumpirma ito ng kanyang anak na si Katrina Ponce Enrile sa isang post sa social media.

Aniya na namaalam ang dating opisyal pasado alas 4:21 ng hapon ngayong araw, Nobyembre 13, 2025.

Ibabahagi rin ang mga detalye para sa public viewing kapag natapos na ang ibang mga arrangements para sa mga nais magbigay ng kanilang respeto at pagbibigay-pugay.

Nagpapasalamat rin ang kaniyang anak sa lahat na nagpaabot ng kanilang panalangin at suporta para sa kanilang pamilya.

Maalalang isa si Juan Ponce Enrile sa pinakamatagal na nagsilbi sa gobyerno ng Pilipinas, na may mahigit pitong dekada ng karera sa serbisyo publiko.

Ipinanganak siya noong Pebrero 14, 1924 sa Gonzaga, Cagayan.

Siya ay kilala bilang isang prominenteng legal at political figure na naging bahagi ng mga makasaysayang yugto ng bansa, mula sa Martial Law noong panahon ni dating Pang. Ferdinand E. Marcos Sr., hanggang sa EDSA People Power Revolution noong 1986 kung saan siya ay tumiwalag sa rehimeng Marcos.

Nagsilbi rin siya bilang kalihim ng katarungan, kalihim ng tanggulang pambansa, at ilang ulit na senador.

Noong 2008, nahalal siya bilang Senate President at nanungkulan hanggang 2013.

Sa kanyang pagpanaw, nagwawakas ang isang makulay at kontrobersyal na kabanata sa kasaysayan ng pulitika ng Pilipinas.

Political Career:

1954 – Nagsimula bilang Undersecretary of Finance sa ilalim ng administrasyong Magsaysay.

1966–1970 – Naging Secretary of Justice sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos.

1970–1986 – Itinalaga bilang Secretary of National Defense; naging pangunahing tagapagpatupad ng Martial Law.

1986 – Tumiwalag kay Marcos at naging isa sa mga pangunahing personalidad sa EDSA People Power Revolution.

1987 – Nahalal bilang senador sa ilalim ng bagong konstitusyon ng 1987.

1995–2001 – Muling nahalal bilang senador.

2004–2016 – Nagsilbi muli sa Senado; naging Senate President mula 2008 hanggang 2013.

2013 – Nagbitiw bilang Senate President sa gitna ng kontrobersiya sa pork barrel scam.

2022 – Itinalaga bilang Chief Presidential Legal Counsel ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.