LEGAZPI CITY – Nagpirmahan ng joint memorandum ang mga ahensya ng gobyerno na layuning mapabilis ang biyahe sa Matnog port sa Sorsogon ilang araw bago ang peak season ngayong Holy Week.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, ngayong linggo ng pirmahan na ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), Maritime Industry Authority (MARINA), Office of Civil Defense (OCD), Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Provincial Government ng Sorsogon at lokal na gobyerno ng Matnog ang memorandum para sa mahigpit na koordinasyon sa biyahe sa pantalan.

Matnog Port Sorsogon| Photo courtesy: Dann Christian Amoncio Quiawan

Kabilang na dito ang sama-samang pagbabantay sa biyahe ng mga sasakyan upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero gayundin ang planong pagbuo ng online ticketing system upang maiwasan na ang pila sa pantalan.

Maglalagay rin ng mga kiosk machine kung saan pwedeng kumuha ng kanilang numero ang mga pasahero.

Matnog port, stranded passengers

Inaasahan na kasing dagsa na naman ang mga babiyahe ngayong linggo sa pinakamalaking pantalan sa rehiyong Bicol lalo na ang mga uuwi sa kanya kanyang mga lalawigan ngayong Semana Santa.

Payo naman ng opisyal sa mga pasahero na sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin sa pagsakay sa port kagaya ng mga pwede at hindi pwedeng dalhin upang hindi maabala sa biyahe.

Samantala, kanselado naman ang leave ng lahat ng mga empleyado ng pantalan upang mapagsilbihan ang dagsa ng mga pasahero ngayong Holy Week.