LEGAZPI CITY- Pinasinungalingan ng Philippine National Railways ang isyu sa umano’y pagbibigay ng pabor ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China na napiling partner sa pagpapagawa ng P147 bilyon na halaga ng Bicol Express project.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PNR General Manager Junn Magno, nagkataon lamang na China ang nilapitan ng gobyerno para sa proyekto lalo pa at iyo ang may pinakamatagal ng karanasan sa paggawa ng mga makabagong tren na nahigitan pa maging ang Japan.
Bentahe rin umano ang pagkakakuha sa China dahil malabo na ngayon na makansela ang proyekto kahit pa magpapalit na ng administrasyon sa pagtatapos ng termino ni Duterte.
Ayon kay Magno, hindi kagaya ng ibang proyekto sa bansa na commercial agreement lamang, idinaan ang Bicol Express project sa Official Develoment Assistance kung saan nagpirmahan na ng kontrata ang Pilipinas at China kung kaya malabo ng i-atras pa ito.
Nakatakdang magsimula ang proyekto ngayong unang bahagi ng taon at inaasahang matatapos sa taong 2025 hangang 2027.