
Umaasa ang Social Action Center ng Archdiocese of Jaro, Iloilo na maisama sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu sa flood control lalo na ngayong maraming lugar ang lumubog sa tubig baha dahil sa timog at sunud-sunod na bagyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Msgr. Meliton Oso, director ng Jaro Archdiocesan Social Action Center (JASAC), sinabi nitong nakakagulat kung saan napunta ang malaking pondo para makontrol ang pagbaha.
Kung lalampas sa P1-trilyon ang budget ngunit patuloy ang pagbaha, may mga katanungan kung may na-corrupt sa pondo.
Nabatid na sa loob ng 15 taon o mula 2011 hanggang 2025, naglaan ang gobyerno ng P1.47 trilyon para sa flood control at mitigation programs.
Noong 2025, natanggap ng Department of Public Works and Highways ang pangalawang pinakamalaking alokasyon ng badyet na P1.007 trilyon.
Sa ulat nito noong 2021, sinabi ng Department of Justice na ang DPWH at mga local government units ang may pinakamataas na bilang ng mga reklamo sa katiwalian sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
Noong nakaraang linggo, halos binaha ang Metro Manila at maraming rehiyon sa bansa dahil sa mga pag-ulan dulot ng pinalakas na habagat at bagyong Crising, bagyong Dante, at bagyong Emong.