LEGAZPI CITY – Naging matagumpay ang isinagawang Orgulyo ng Bicol Trade Fair ng Department of Trade and Industry sa Shangri-La Plaza sa Metro Manila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Trade and Industry Bicol Regional Director Dindo Nabol, umabot sa P13 million ang sales ng apat na araw na trade fair.
Nalagpasan nito ang P10 million na target sales.
Halos lahat ng mga panindang produkto ay naubos kung saan sa unang araw pa lang umabot na sa P3 millon ang halaga ng mga naibenta.
Ayon kay Nabol, kilala ang Bicol sa masasarap at magagandang produkto kung saan karamihan sa mga naging customer ay mga banyaga.
Sa darating na Oktubre ng kasalukuyang taon ay magkakaroon pa rin ng trade fair ang tanggapan subalit sa SM Megamall na isasagawa dahil sa mas malawak na espasyo.
Inaasahang lagpas sa 50 na mga Micro-, Small and Medium-sized Enterprises ang makikilahok sa naturang panibagong aktibidad.