LEGAZPI CITY – Umaasa si Ramon Beleno III, isang political analyst na mula sa Bicol Region at kasalukuyang nakabase sa Davao City na papaimbestigahan ng kasalukuyang administrasyon ang ginawang pagpapasabog ng tear gas sa ilang mga deboto ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa kasagsagan ng operasyon ng mahigit 2,000 na kapulisan upang arestuhin si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Beleno III, sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bago pa man ang operasyon, una ng nagkaroon ng palaisipan sa mga deboto ang naging presensya ng pulis at PNP checkpoints malapit sa lugar.
Hindi rin isinasantabi ni Beleno III ang posibilidad na kung naroon man si Quiboloy ay tiyak na agad itong makakalabas dahil na rin umano sa kakayahan nito at malapit lamang aniya sa airport ang lokasyon ng gusali ng nabanggit na Kingdom of Jesus Christ.
Dagdag pa nito, inaasahan naman ang pagkakaroon ng balasahan sa hanay ng PNP officials at malaking rason din aniya kung bakit ganito kaseryoso ang kapulisan sa ginagawang paghahanap kay Quiboloy.
Kung matatandaan, kumpirmado na ang pagkamatay ng isa sa mga deboto ng KOJC na isang 50 anyos na lalake dahil na rin umano sa cardiac arrest sa kasagsagan ng operasyon.
Sa ngayon ayon kay Beleno III, hindi pa rin malinaw kung ang milyones na patong sa ulo ni Quiboloy ang nag-udyok sa halos dalawang libong tropa ng kapulisan mula sa Region 10, 11, 12, at 13 na naghalughog sa lugar.