LEGAZPI CITY – Milyun-milyong pisong halaga ng scholarships ang alok sa isang Pinay para makapag-aral ng kolehiyo abroad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ruth Ann Celones, Scholar ng Oral Roberts University sa Oklahoma, naging inspirasyon ang hirap at sakripisyo na pinag-daanan ng mga magulang upang maitaguyod silang apat na magkakapatid.

Hindi naging hadlang ang paglipat-lipat ng bahay at paaralan upang magpursigi at maging consistent honor student.

Ayon kay Celones, bata pa ay pangarap na talaga ang makapag-aral at makapagkolehiyo ng walang iniisip na mataas na gastos.

Upang maabot ang pangarap, hindi pinabayaan ang pag-aaral at naging aktibo sa mga curricular activities at naging pambato ng Pilipinas sa isang international conference.

Ngayong kolehiyo na, gustong masuklian ang mga sakripisyo ng mga magulang kaya nag-apply ng scholarship sa mga prestihiyosong unibersidad na hindi magastos at may diversity.

Sa limang unibersidad na inaplayan lahat ay nakapasa at napili ang Oral Roberts University dahil may full tuition scholarship.

International relations ang kinuhang kurso ni Celones sa naturang unibersidad at matapos nito ay planong pumasok sa law school.

Pinanganak si Ruth Ann sa Amerika na napag-alamang tubong Bicol ang ina, subalit nagkaroon ng economic crisis kaya napilitan na lumipat ng Pilipinas ang buong pamilya.

Sa darating na Agosto, nakatakda itong bumiyahe patungo sa Oklahoma at inamin na first time na mawalay sa mga magulang ng matagal na panahon, ngunit para sa pangarap kailangan na magsakripisyo.